MANILA, Philippines — Isang 28-anyos na lalaki na bagong laya sa kulungan ang pumasok sa isang bahay at nang-hostage ng 64-anyos na lalaki habang armado ng baril, sa Parañaque City, kamakalawa ng umaga.
Sa ulat ni Parañaque City Police Station chief, P/Colonel Melvin Montante kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, P/Major General Jose Melencio Nartatez, kinilala ang suspek na si Elias Naraiso, residente ng Caloocan City.
Hindi naman nasaktan ang biktimang si alyas “Frank”, residente ng Barangay San Antonio, Parañaque City na dinala pa rin sa Parañaque Hospital.
Sa imbestigasyon, bago nangyari ang hostage taking, alas-8:50 ng umaga sa loob ng bahay ng biktima ay dumating sa lugar ang suspek kausap ang isang Melvin Pontillas at Ramon Ebrada at humingi ng pabor kung maaari itong tumira sa kanilang bahay dahil kalalabas lang nito sa kulungan, na tinanggihan ng mga kausap.
Umalis ang suspek at nagtungo sa katabing lugar at pumasok sa bahay ng biktima na natutulog.
Nang makita ng anak ng biktima na naghahalungkat ang suspek ng mga gamit ay tinanong, subalit hindi sumagot ang suspek.
Nang makita na may kinuhang baril sa dalang bag ay tumakbo palabas ang anak ng biktima at nagsumbong sa barangay.
Rumesponde ang mga tanod at nakakasakop na pulis at kinordon ang lugar at alas-2:00 ng hapon sa tuluy-tuloy na negosasyon hanggang kusang sumuko na ang suspek.