MANILA, Philippines — Isang pulis at isang dating sundalo ang inaresto nang mahuli sa akto ang mga ito na nagbibigay ng motorcycle escort sa isang luxury vehicle sa Parañaque City, kamakalawa ng hapon.
Inatasan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil na imbestigahan para madetermina ang illegal activities ng 45-anyos na pulis na nang HPG na dapat sibakin sa puwesto.
“Paano nangyari ‘yun kung hindi alam ng immediate commander,” wika ni Marbil sa mga mamamahayag sa Camp Crame kahapon.
Ang nasabing pulis at ang kasama nitong 57-anyos na ex-Army ay nahuli na inieskortan ang isang itim na Toyota Alphard minivan sa kanto ng Diokno Avenue at ASEANA City, pasado alas-4:00 ng hapon.
Ayon kay HPG director Brig. Gen. Jay Cumigad na hindi nagawang maharang ng mga operatiba ng HPG ang luxury minivan na mabilis ang takbo.
Dinagdag pa ni Cumigad na ang “moonlighting policeman” ay ginagamit ang isang motorsiklo na nakarehistro sa provincial government ng Cavite habang ang dating sundalo ay gamit ang isang pribadong motorsiklo.
Hindi umano nila tanggap ang alibi ng pulis na pauwi na siya ng bahay gayung dalawa sila na magkasama sa pag-escort.
Ang dalawang suspek ay mahaharap sa kasong usurpation of authority at illegal use of uniform or insignia sa Piskalya.