MANILA, Philippines — Inihayag ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na hati ang 10 senador sa panukalang magkaroon na ng diborsiyo sa bansa.
Nagsagawa si Estrada ng survey sa mga kasamahang senador tungkol sa isyu at 9 pa lamang ang sumagot sa kanyang survey.
“I conducted a survey on my own and asked my fellow senators, my colleagues on their thoughts on the Divorce bill and so far, siyam (9) pa lang ang nag respond dun sa survey ko,” ani Estrada.
Kabilang si Estrada sa ayaw magkaroon ng diborsiyo sa bansa. Ang apat na iba pa na kontra sa divorce ay sina Senate President Francis “Chiz” Escudero, Senate Majority Leader Francis Tolentino, Senators Joel Villanueva at Ronald “Bato” Dela Rosa.
Pabor naman sa divorce sina Senators Robin Padilla, Grace Poe, Risa Hontiveros, Imee Marcos at Pia Cayetano.
Sinabi ni Estrada na naisipan niyang magsagawa ng survey sa mga kasamahang senador dahil naipasa na ang panukala sa House of Representatives at nais niyang malaman ang opinyon ng mga kasamahan tungkol sa isyu.
Nilinaw ni Estrada na hindi kasama sa kanilang “priority bills” ang panukala.
Iginiit din ni Estrada na sa halip na diborsiyo ay dapat pabilisin na lamang ang annulment.