Economic cha-cha nagkaroon ng pag-asa sa palit-liderato ng Senado

MANILA, Philippines — Mistulang nagkaroon umano ng pag-asa ang isinusulong na economic Charter reform sa pagpapalit ng liderato ng Senado.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, ang pagpalit ni Sen. Francis Escudero kay Sen. Juan Miguel Zubiri bilang Senate President ay nagbibigay umano ng bagong pagkakataon na matuloy ang Charter change.

“Itong usapin sa Cha-cha ay tapos na sa Mababang Kapulungan (ng Kongreso) and I have said my piece then and it’s always possible that a change of leadership will also enhance the chances of Charter change,” sabi ni Lagman sa isang press briefing kamakailan.

“But let us wait and see. Let the development unfold in the Senate because the House has already approved the Cha-cha resolution,” dagdag pa nito.

Aprubado na sa Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) 7, na naglalayong bigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang limitasyon sa pamumuhunan ng mga dayuhan sa public utility, edukasyon, at advertising.

Ang kaparehong bersyon ng Senado—RHB 6 na akda nina Zubiri, Sen. Loren Legarda, at Sen. Juan Edgardo Angara ay nakabinbin naman sa special subcommittee.

Sinabi naman ni Lagman na ang tanong kung dapat bang magkasamang bumoto o hindi ang Senado at Kamara sa pagbabago ng Konstitusyon ay maaaring resolbahin ng Korte Suprema.

“Whether it is joint or separate, palagay ko hindi matatapos ang debate among us. Among senators and congressmen baka umabot sa Korte Suprema,” sabi ni Lagman.

Naniniwala si Lagman na dapat bumoto ng magkasama ang dalawang kapulungan.

Show comments