Ina at financier ng Maute terrorist group kulong ng 40 taon
MANILA, Philippines — Hinatulang guilty ng mababang korte sa paglabag sa Section 4 of Republic Act 10168 o “The Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 si “Farhana Maute”, isang high value target financier at ang ina ng teroristang grupong ‘Maute group” sa Marawi City.
Sa 39-pahinang desisyon nitong Miyerkules, Mayo 15, 2024 ay idineklarang ‘guilty beyond reasonable doubt’ ng Regional Trial Court (RTC) Branch 266, Taguig City si Ominta Romato Maute, alyas “Farhana Maute”.
Sa record ng korte, noong Hulyo 29, 2016, ipinagamit ni Ominta ang kaniyang Toyota Innova na may Conduction Sticker No. YM6499, Engine Number 2KDS487239 at Chassis No. KUN405120908 sa limang terorista na sina Mohammad Khayam Romato Maute, Omar Khayam Romato Maute, Abdullah Romato Maute, Mahater Romato Maute at Najib C. Pundug.
Sa parehong petsa, naharang ng mga otoridad ang sasakyan at nakatakas ang mga sakay, subalit nasamsam naman ang ilang Improvised Explosive Devices (IEDs) sa loob nito.
Nabatid na si Farhana at ang nabanggit na limang terorista ay gumawa ng serye ng “savage and inhumane acts” kabilang ang kidnapping at pamumugot ng ulo sa mga sibilyan sa Lanao del Sur mula Abril 4 hanggang 10 ng 2016.
- Latest