MANILA, Philippines — Isang 39-anyos na lalaki ang nasawi nang makipagsuntukan ito sa kapitbahay na umano ay gumasgas at nagnakaw ng plaka ng kaniyang sasakyan kamakalawa ng gabi sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ang nasawing biktima ay kinilalang si Muhhamad Ali Ramirez Macapundag, 39, may-asawa, manager, tubong Marawi City at residente ng Sta. Catalina St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Himas rehas naman ang suspek na si Joey Umuso Bulusan, 30, binata, construction worker, ng No. 5 St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit, QC.
Sa report ng pulisya, bago naganap ang insidente, alas-11:30 ng gabi nitong Martes sa St. Joseph St., Brgy. Holy Spirit ay puwersahang tinanggal ng suspek ang plate number at ginasgasan ang sasakyan ng kapatid ng biktima na si Mohalem.
Kinompronta ng magkapatid ang suspek at hinahanap dito ang nawawalang plate number hanggang sa magwala ang huli at sinuntok sa mukha ang biktima.
Bagama’t gumanti ng suntok ang biktima at naawat, bigla itong natumba at nawalan ng malay.
Naisugod pa sa Rosario Maclang General Hospital subalit binawian din ng buhay. Inihahanda na ang kaso laban sa suspek.