Marcos negatibo sa 2021 cocaine test – drug analyst
MANILA, Philippines — Humarap sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs na pinamumunuan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa ang isang drug test analyst na nagsabing negatibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa cocaine test na isinagawa noong Nobyembre 2021.
Ayon sa drug analyst ng St. Luke’s Medical Center na si Geresza Reyes na lumagda sa drug test report noong 2021, negatibo sa cocaine si Marcos.
“As to the analysis, may lumabas po na line. Sa drug test kit natin, meron do’n ‘yung control line at saka ‘yung line for the drug analyte. Doon sa resulta, may lalabas po talaga siya na line as negative,” sabi ni Reyes.
Kinumpirma naman ni St. Luke’s Medical Center – Global City drug testing laboratory head Dr. Cecilia Lim, na signatory rin sa drug test report na kayang lumabas ang resulta sa loob lamang ng dalawang minuto at 54 segundo matapos isinagawa ang pagsusuri.
“Yung 2 minutes and 54 seconds, kaya po talaga ng drug testing kit. Mabilis pong lumabas ‘yung resulta. ‘Yung sinasabi nila na 5 minutes, ‘yun ang maximum time na ina-allow namin na lumabas ‘yung line ng drug test. Kapag lumabas ang linya, hindi na mawawala ‘yun, negative na kayo,” sabi ni Lim.
Sumailalim si Marcos sa drug test noong tumatakbo sa pagka-pangulo at isinumite ang negative result sa mga law enforcement agency.
Matatandaan na naglabas ng blind item si dating pangulong Rodrigo Duterte na isang president candidate ang gumagamit ng cocaine at ang nasabing kandidato sa pagka-presidente.
Sinabi ni Lim na hiniling lang ni Marcos na magpa-test para sa cocaine at hindi sa ibang uri ng ipinagbabawal na gamot.
- Latest