MANILA, Philippines — Dalawang babae ang inaresto sa loob mismo ng bangko matapos nilang i-withdraw ang mahigit P120,000 na pondo ng barangay nang kanilang pekehin ang tseke na ipinagkatiwala sa kanila ng kanilang kaibigan, kamakalawa ng hapon sa Brgy. Bayan Luma IV, Imus City, Cavite.
Sa ulat, nalaman lang ng biktimang si alyas Cathy ang ginawang pamemeke at pagwi-withdraw ng P120,702.80 ng dalawang suspek na ‘di pa pinangalanan nang tawagan siya ng Veterans Bank upang iberipika ang naganap na withdrawal ng perang pondo ng SK ng Barangay Medicion 1-B .
Agad napasugod si Cathy sa bank at isinama ang dalawa at dito sila kinompronta. Sa takot ay umamin na sa kanilang ginawa saka sila inaresto ng mga pulis na tinawagan ng bangko.
Narekober sa mga suspek ang P122,200 cash, mga tseke na ang isa ay pineke na rin, deposit slips, cellphone, at isang Suzuki Hayate motorcycle (DC 98834) na kanilang gamit.
Natuklasan din ng brgy. tserman na nakapag-encash pa ang dalawang suspek ng dalawang pinekeng tseke ng brgy. noong Disyembre 29, 2023 na may P126,000 at P125,130,00 na halaga.