Babaeng kadete, top 1 sa PMA Class 2024
Anak ng magsasaka mula Surigao…
MANILA, Philippines — Nanguna sa 2024 graduating class ng Philippine Military Academy (PMA) ngayong taon ang Isang 24-anyos na babaeng kadete na anak ng isang magsasaka sa Surigao City, Surigao del Norte.
Sa ulat ng PMA, nabatid na nagtapos si Cadet First Class (Cdt 1st CL) Jeneth Elumba bilang “magna cum laude” mula sa kabuuang 278 kadete ng Bagong Sinag Class 2024 (Bagong Henerasyong Gagampanan ang Tama: Serbisyo, Integridad at Nasyonalismo ang Aming Gabay).
Ayon kay PMA superintendent Lt. Gen. Rowen Tolentino, si Elumba bilang magna cum laude ay tatanggap ng “Presidential Saber” mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr, ang Philippine Army Saber, JUSMAG Saber, Australian Defense Best Overall Performance Award (ARMY), Tactics Group Award at Army Professional Plaque.
Si Cdt 1st CL Mark Armuel Boiles, 21, ng Novaliches, Quezon City ay magtatapos na Class Salutatorian at gagawaran ng Vice Presidential Saber mula kay VP Sara Duterte, Philippine Air Force Saber, Academic Group Award, Management Plaque, Air Force Professional Courses Plaque, Gen. Antonio Luna Award at Australian Defense Best Overall Performance Award (Air Force).
Pangatlo si Cdt 1st CL Kim Harold Gilo, 22, tubong Butuan City, Surigao del Norte na tatanggap ng Secretary of National Defense Secretary Saber, Philippine Navy Saber, Australian Defense Best Overall Performance Award (Navy) at Natural Sciences Plaque.
Bukod kay Elumba, pito pang babae ang pumasok sa top 10 sa kanilang batch na sina Cdt 1st CL Cyril Joy Masculino, 22, ng Nabua, Camarines Sur (4th); Cdt 1st CL Rosemel Dogello, 21, ng Jamindan, Capiz (5th); Cdt 1st CL Alexa Mye Valen ng Lanao Del Norte (6th); Cdt 1st CL Floyd Nino Arthur Roxas, 23, ng Leganes, Iloilo (7th); Cdt 1st CL Giselle Tong (8th); Cdt 1st CL Danica Marie Viray ng Villamor Air Base (9th), at Cdt 1st CL Nerova Binag of Isabela (10th).
Nasa 278 cadets ang bumubuo sa 2024 Bagong Sinag Class kung saan 224 dito ang lalaki at 54 ang babae. Itinakda ang kanilang graduation rites sa Mayo 18.
- Latest