MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan ng lokal na pamahalaan ng Las Piñas kahapon, ang “Las Piñas City Crisis Center for Women and their Children”, na kauna-unahang women’s crisis center sa buong Metro Manila, na matatagpuan sa Aira Street, Santa Cecilia Village, Barangay Talon Dos.
Pinangunahan nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang pagpapasinaya sa nasabing crisis center na sinaksihan ng mga department heads at barangay officials.
Ayon kay Mayor Aguilar, sa pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Pamahalaang Lungsod sa proyekto, ang nasabing crisis center ay magbibigay ng pansamantalang matutuluyan, counseling, psychosocial services, recovery, rehabilitation program at livelihood assistance para sa mga kababaihan at kanilang batang anak.
Aniya, ang konstruksiyon ng pasilidad ay isa sa mga pagpapahiwatig para sa pagkakamit ng Las Piñas City sa “Seal of Good Local Governance” na nasa ilalim ng Social Protection of the Seven Governance areas sa performance assessment tool.
Ang crisis center ng Las Piñas ay 24-hour residential care facility na may 20 bed capacity para sa kababaihang edad 18-59, na biktima ng gender-based violence tulad ng pag-aabandona, pang-aabuso, pagmamaltrato, at pagsasamantala na pawang nangangailangan ng protektadong mga serbisyo para sa kanilang paghilom at pagbangon.
Batay sa report ng Violence against Women and their Children (VAWC), umabot sa kabuuang 1,945 na kasong pang-aabuso ang naitala noong 2022 sa Las Piñas habang 1,887 naman noong 2023.
Sinabi naman ni Vice Mayor Aguilar, ang mga kababaihan na nangangailangan ng tulong o ini-refer ng lokal na pamahalaan, NGOs, gov’t organizations, law enforcement at people’s organization gayundin sa mga na-rescue ay sasailalim sa assessment ng mga social worker upang matukoy kung kinakailangan silang pangalagaan ng center o dadalhin sa kinauukulang ahensiya.