Sa ipinangakong ‘Kayamanan sa Pilipinas’
MANILA, Philippines — Agad umalerto ang Manila Police District (MPD) nang biglang sumugod ang mahigit 1,000 indibiduwal sa tanggapan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa Malate, Manila kahapon ng umaga upang kolektahin ang kanilang tig-P1 milyon mula sa umano’y nag-matured nang account na “Kayamanan ng Pilipinas” na ipinangako sa kanila noon pang 1987.
Ang mga naturang indibidwal ay dumating sa Gate 3 ng BSP sa Mabini St. kanto ng P. Ocampo St. sa Malate dakong alas-8:40 ng umaga at pumila sa pag-aakalang mayroon silang maki-claim na pera. Nagmula pa umano sila sa Regions 1, 2 at 4A at nangutang lang ng pamasahe upang makarating sa BSP dahil sa pag-asang mailalabas na kahapon ang trilyun-trilyong halaga ng pera na nakatago sa BSP para ipamahagi sa taumbayan.
Demand pa ng grupo sa BSP na ilabas na nila ang “Kayamanan ng Pilipinas.”
Ipinaliwanag ni Nobel Gilbert Langres, tagapagsalita ng grupo na ang naturang pera na kanilang kinukuha ay ipinatago sa BSP noon pang 1987.
Ayon kay Langres, nag-matured na umano ang mga account na inisyu sa isang ‘Danilo’ noong 2005 kaya nararapat na ibalik na ito sa taumbayan. Alinsunod aniya sa Konstitusyon, may karapatan ang mga mamamayan sa naturang pera.
Matapos pakiusapan ng mga kinatawan ng BSP at MPD na magsiuwi na lamang, kusang nag-disperse ang mga claimants alas-2:00 ng hapon nang pangakuan ng mga pulis na ipaaabot sa BSP ang dala nilang liham.