Manibela, nagprotesta muli vs PUVMP

Traditional jeepney drivers of transport group Manibela stage a protest against the public utility vehicle phaseout at a terminal in Nagtahan, Manila on May 6, 2024.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Isang kilos-protesta ang muling isinagawa ng mga miyembro ng Manibela kahapon laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.

Nabatid na alas-8:00 ng umaga nang simulan ng grupo ang protesta sa Nagtahan sa Maynila at sa Caruncho Avenue sa Pasig City.

Nagtipun-tipon ang mga tsuper na kabilang sa Paco-Rotonda-Nagtahan Jeepney Operators Dri­vers Association, na bahagi ng Manibela, sa kanilang terminal, ngunit sa halip na pumasada ang mga ito ay ipinarada lamang ang kanilang mga tradisyunal na jeepney sa lugar.

Napilitan naman ang mga pasahero na huma­nap na lamang ng ibang masasakyan upang makarating sa kani-kanilang destinasyon.

Nakiisa rin naman sa kilos-protesta ang mga tsuper na bumibiyahe sa mga rutang Pasig-Bagong Bayan, Pasig-Pateros, at Pasig-Palengke Quiapo na nagtipun-tipon naman sa Caruncho Avenue sa Pasig City upang ipahayag ang kanilang mga hinaing.

Kasama pa ng mga tsuper sa pagpoprotesta ang kani-kanilang mga pamilya upang ipakita kung paano makakaapekto ang PUVMP sa kanilang kabuhayan.

Una nang sinabi ng grupong Manibela na hindi sila tutol sa moderni­sasyon at ang inaayawan lamang nila ay ang franchise consolidation phase nito, na ang deadline ay nagtapos na noong Abril 30.

 

Show comments