MANILA, Philippines — Labing-anim na taon na pagkakulong ang hinatol sa self-confessed gunman na si Joel Escorial sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.
Sinabi ni Atty. Danny Pelagio sa mensaheng ipinadala sa mga mamamahayag, nagpasiya ang Las Piñas Regional Trial Court Branch 254 na nagpataw ng 8 taon at 8 buwan hanggang 16 na taon.
Magugunita na noong Agosto 2023, hiniling ni Escorial sa korte na payagan siyang pumasok sa plea bargaining sa mas mababang pagkakasala ng homicide sa halip na murder.
Sinabi ni Pelagio na wala pang nailalabas na written order ang hatol, subalit naniniwala siya na di na mababago pa ito. Nakatakda naman ang susunod na pagdinig sa Hunyo 24. Ang pagpaslang kay Percy ay naganap noong Oktubre 3, 2022 sa Las Piñas City.
Noong Abril 2023 nang isyuhan ng warrants of arrest ng korte laban sa mga sinasabing utak na si dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at dating BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta.