MANILA, Philippines — Isang Sub-Leader ng Dawla-Islamiyah -Maute terrorist groups at apat nitong kasama ang nasawi habang lima namang sundalo ang nasugatan matapos ang engkuwentro sa pagitan ng magkabilang panig sa liblib na bahagi ng Brgy. Cadayonan, Munai, Lanao del Norte nitong Lunes.
Kinilala ni AFP Westmincom Commander Lt. Gen. William Gonzales ang mga napatay na terorista na sina Najeb Laguindab, gumagamit ng mga alyas na Abu Jihad /Abu Yad, Sub-Leader ng DI-MG terrorist. Ang mga napatay naman nitong tauhan ay nakilala namang sina Johaiver Dumar, alyas Juhayber/Julaibib; Salman Dimapinto Nasrudin, alyas Shuay’b; Mohaimen Hadji Ali, alyas Ibn Sali, isa sa mga lookout sa pambobomba sa gymnasium ng Marawi State University noong Disyembre 3, 2023 at alyas Muslima/Payko.
Sa report ni Major Gen. Gabriel Viray III, Commander ng Army’s 1st Infantry Division (ID), alas-3:42 ng madaling araw nang magsagawa ng operasyon ang mga elemento ng 9th Scout Ranger Company (src), 3rd Scout Ranger Battalion (src) at First Scout Ranger Regiment (FSRR) ng Army’s 103rd Infantry Brigade (IB) laban sa nalalabi pang miyembro ng DI-Maute Group sa nasabing lugar.
Dito’y nasabat ng tropa ang nasa 12 DI-MG members sa ilalim ni Nasser Daud, gumagamit ng mga alyas na Mahater, Ustads Nasser at Masod na agad nagkaroon ng mainitang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Tumagal ng 45 minuto na ikinasawi ng limang terorista na inabandona ng mga nagsitakas ng mga itong kasamahan.
Habang tinutugis ang mga kalaban ay sumiklab ang panibagong bakbakan alas- 6:30 ng umaga na tumagal ng sampung minuto at dito ay limang sundalo ang nasugatan.