MANILA, Philippines — Anim katao kabilang ang 4 na menor de edad ang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa mga isinasagawang summer outing sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ng Calabarzon.
Unang naitalang pagkalunod sa Tanza, Cavite na kung saan ay lumalangoy ang 13-anyos na biktima na si Zyrus Vin Quizil, estudyante ay nalunod nang tumalon sa malalim na bahagi ng ilog.
Ikalawa ay isang 24-anyos na dalagang factory worker na kinilalang si Rachel Egat Asestre ay nalunod din sa Bunga Falls, Nagcarlan, Laguna.
Sa bayan naman ng Calauan, Laguna nang malunod ang isang 6-anyos na batang lalaki na si Sean Cartina, residente ng Purok 3 Victoria, Laguna sa isang family outing sa Lucidel Resort ng Brgy. Bangyas.
Dakong alas-2:10 naman ng hapon nang malunod sa isang ilog ang 7-anyos na si Rhenz Natham Buetta, nang mapagawi sa malalim na bahagi ng ilog.
Namatay din sanhi ng pagkalunod nang mag-swimming na lasing ang biktimang si Erwin Cabigting Amarillo, 38, construction worker at residente mg Angeles City Pampanga.
Huling insidente ng pagkalunod ay naitala sa Abaksa Beach Resort, Barangay Nonong Casto, Lemery, Batangas, alas-5:20 ng hapon nang malunod ang biktimang si Faith Miranda, 4, ng Brgy. Concepcion, San Simon, Pampanga.