MANILA, Philippines — Nakatakdang panagutin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pamunuan ng moto-taxi na Move It Rider sa pakikipagpatintero ng kanilang rider sa mga MMDA traffic enforcers nang pumasok sa Bus way lane sa Edsa.
“Tatawagan namin ang Move It at pagpapaliwanagin namin sila kung bakit may aksyon na nangyaring ganun, pananagutan po nila yan dahil driver nila yan, driver yan ng Move It” wika ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz.
Nilinaw din ni Guadiz na hindi sila satisfied sa pahayag ng Move It rider na dapat exempted sila sa pagpasok sa bus lane kaya hindi niya agad naibigay ang lisensiya sa mga traffic enforcers ng MMDA.
Ani Guadiz first offense naman ito na nangyari kaya suspension muna ang maaaring maigawad sa Move It dahil sa nangyari.
“Pero kung madalas dalas na nilang gawin yan ay sa susunod ay baka masuspended na ang application ng buong kumpanya at hindi lamang sa lugar na pinangyarihan ng insidente,” paliwanag pa ni Guadiz.
Binigyang diin ni Guadiz na malaki ang pananagutan ng kumpanyang Move It sa nangyari dahil sa hindi umano pagpili ng driver na walang training at road ethics.