MANILA, Philippines — Umaabot sa 19 nakaparadang sasakyan sa parking extension ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang nasunog habang nakabilad sa gitna ng matinding sikat ng araw, kahapon ng hapon. Ayon kay Fire Inspector Jaime Cera, ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Pasay, ala-1:35 ng hapon nang magsimula ang sunog at idineklarang fire-out alas-2:03 ng hapon.
Grassfire ang nakitang sanhi ng sunog, dahil sa mga tuyong damo sa open parking na umapoy at nadamay ang mga nakahilerang sasakyan.
Malakas umano ang hangin kaya lumakas ang apoy na kumapit sa mga sasakyan. Hindi naman naapektuhan ang operasyon ng NAIA dahil malayo naman ang rampa sa open space parking extension.
Ayon kay Insp. Cera, may iba pang fire truck na tumulong sa pag-apula ng apoy.