MANILA, Philippines — Matapos ang halos apat na taong paglilitis, inabsuwelto ng Caloocan Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 83 ang anim na jeepney drivers o ang tinaguriang PISTON 6 na inaresto sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong 2020 matapos na iprotesta ang paghihigpit ng gobyerno sa panahon ng lockdown upang magpatuloy sa trabaho para buhayin ang kanilang pamilya.
Base sa resolusyon na ipinalabas nitong Biyernes, pinayagan ni Caloocan City MTC Branch 83 Presiding Judge Marlo Bermejo Campanilla ang “demurrer to evidence” na inihain ni PISTON Deputy Secretary General Ruben Baylon, Severino Ramos, Wilson Ramilla, Ramon Paloma, Elmer Cordero at Arsenio Ymas, na tinaguriang “PISTON 6”.
Ang anim ay absuwelto sa simpleng pagsuway at hindi pagsunod sa mga awtoridad, isang kaso sa ilalim ng Revised Penal Code na naganap sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic sa panahong umiiral ang lockdown laban sa virus.
Sa mensahe na ipinoste ng PISTON 6 sa social media, ipinagbunyi nila ang kanilang kalayaan matapos ang apat na taon. Sila ay inaresto noong Hunyo 2, 2020 matapos magdaos ng mapayapang demonstrasyon upang makabalik sa paghahanapbuhay sa panahon ng pandemya.
Ang pagpayag ng korte sa ‘demurrer to evidence’ ay katumbas ng pag-absuwelto sa kaso kung saan muling sinuri ng korte ang mga ebidensya sa kaso at dito’y nadetermina ang kakulangan ng ebidensya.