3 Pinoy namatay sa baha sa Dubai
MANILA, Philippines — May tatlong overseas Filipino workers namatay sa kasagsagan ng pagbaha sa United Arab Emirates.
Ito ang iniulat nitong Huwebes ni Department of Migrant Workers (DMW) officer-in-charge Hans Cacdac sa isang post sa X (Twitter).
Ayon naman kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio na nagsimula na ang proseso para sa pagpapauwi ng mga labi nina Dante Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing para sa pagbibigay ng mga kinakailangang tulong ng mga ito.
Si Casipong ay nasawi nang mahulog sa isang sinkhole sa Dubai Airport ang kanilang sasakyan. Ang dalawa niyang kasamang kapwa Filipino na sina Mark Louie Pimentel at Lydin Cambalon ay kapwa naisugod sa ospital.
Sina Gamboa at Saquing ay kapwa idineklarang dead on arrival sa ospital dahil sa cardiac arrest.
Aniya base sa natanggap nilang impormasyon, bigla na lang umusok ang shuttle bus na sinasakyan ng dalawa sa kasagsagan ng pagbaha at na-suffocate sila sa usok.
Pagtitiyak ni Ignacio na mamadaliin nila ang pagpapauwi ng mga labi ng tatlo sa pagbuti ng sitwasyon sa UAE, na aniya ay 75 taon na ang lumipas nang huling makaranas ng pagbaha.
Sinabi rin ng DMW na ang kanilang Migrant Workers Office ay nakikipagtulungan sa mga opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Dubai at Abu Dhabi para ibigay ang lahat ng tulong sa mga pamilya ng tatlong OFW. Nasa 648,929 Pilipino ang nasa Dubai, ngunit walang humiling na mapauwi sa gitna ng baha.
- Latest