MANILA, Philippines — Isa pang babae na biktima ng ‘sextortion’ ng isang police colonel ng Philippine National Police na una nang inireklamo dahil sa pagdodokumento ng kanilang mga ginagawang pakikipagtalik ang lumantad.
Sa reklamo ng 32-anyos na biktima na isang government employee, hindi na niya kayang itago ang umano’y pamba-blackmail ni ‘colonel’ gamit ang mga sensitibong litrato at video.
Nagkaroon umano sila ng relasyon ng colonel at kinalaunan ay nakipaghiwalay rin umano siya dito nang malaman niyang may asawa ito.
Dito ay pinagbantaan din siya ng misis ni ‘colonel’ na ilalantad ang kanyang mga sensitibong larawan at video kung hindi siya magbabayad sa umano’y perang nahiram niya sa opisyal.
Pinag-iisipan ng biktima na magsampa ng mga reklamong kriminal laban sa opisyal at sa nagpapakilalang asawa nito.
Una na ring inireklamo ng “sextortion” ang colonel ng isang negosyanteng babae na nakarelasyon nito, matapos na ipadala ang kanilang naging pagtatalik sa anak na babae ng huli.
Dumulog na rin ang biktima kay PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at hiniling na ilagay ang colonel sa “restrictive custody.”