MANILA, Philippines — Umaabot sa P218.48 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) kamakalawa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang shipment, na dumating mula sa Zimbabwe noong Abril 13 sa Paircargo warehouse facility sa NAIA, ay unang idineklara bilang “machinery muffler” ngunit isinailalim sa profiling ng Intelligence Division matapos na makatanggap ng ulat.
“Our Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at NAIA verified the information we received. After which, we tasked the X-ray Inspection Project (XIP) to inspect the dubious images that were then found to be suspicious,” ayon kay BOC Commissioner Bien Rubio.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, ang mga substances na nadiskubre ay umaabot sa kabuuang 32.13 kilogramo, at may estimated street value na P218,484,000.
Nabatid na ang pakete ay ipinadala ng isang Isaac Chikore mula sa Harare, Zimbabwe at naka-consigned sa isang Christine Tigranes mula sa Balingasa Queen, Manila.
Isinagawa ang operasyon matapos na pangunahan ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. ang inspeksiyon sa nasabat na shabu na umaabot sa bilyong halaga kamakailan sa Batangas.
Binigyang-diin naman ni Deputy Commissioner for Customs Intelligence Group Juvymax Uy ang kahalagahan ng intelligence gathering sa mga operasyon ng ahensiya na ikinaaresto ni Tigranes.