MANILA, Philippines — Isang manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) ang hinuli dahil sa pagdaan sa EDSA Busway at umano ay tangkang suhulan ang isang traffic officer, nabatid kahapon.
Batay sa isang video footage na isinapubliko kahapon ng Department of Transportation – Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), makikita ang ginawang aktuwal na tangkang panunuhol ng PBA player na si Raymond Almazan ng Meralco Bolts team sa isang operatiba nila.
Ayon sa ulat ni SAICT Coast Guard Jayson Montemayor, kasalukuyan silang nagsasagawa ng operasyon sa EDSA busway noong Abril 15 nang isang hindi otorisadong sasakyan ang dumaan sa carousel.
Nang sitahin nila ang behikulo, nadiskubreng minamaneho ito ni Almasan at napansin ng operatiba na naglabas ng pera ang manlalaro at kinuyumos ito paabot sa nasabing officer.
Kaagad naman tinanggihan ng officer ang suhol ng manlalaro at saka ito inisyuhan ng violation ticket na Disregarding Traffic Sign (DTS) at Failure to carry OR/CR.