MANILA, Philippines — Kasado na ngayong araw ang pagbabawal sa e-trike at e-bike sa pagdaan sa mga national road sa National Capital Region (NCR).
Ito’y alinsunod sa ipinasang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) sa pamamagitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), noong Pebrero.
Nabatid na kabilang sa mga lansangan na hindi maaaring daanan ng mga light e-vehicles ay ang R1: Roxas Boulevard; R2: Taft Avenue; R3: SLEX; R4: Shaw Boulevard; R5: Ortigas Avenue; R6: Magsaysay Blvd/Aurora Blvd.; R7: Quezon Ave./ Commonwealth Ave.; R8: A. Bonifacio Avenue; R9: Rizal Avenue; R10: Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway; C1: Recto Avenue; C2: Pres. Quirino Avenue; C3: Araneta Avenue; C4: Epifanio Delos Santos Avenue; C5: Katipunan/C.P. Garcia; C6: Southeast Metro Manila Expressway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.
Bukod naman sa mga naturang light e-vehicles, hindi na rin pahihintulutan na dumaan sa mga naturang lansangan ang mga tricycle, pedicab, pushcarts at mga kuliglig.
Nagbabala naman ang MMDA na ang mga lalabag sa ban ay papatawan ng multang P2,500.