Mga bato nagliparan
MANILA, Philippines — Walong persons deprived of liberty (PDLs) ang nasugatan matapos na sumiklab ang rambulan ng dalawang magkalabang grupo sa gitna ng init ng panahon, sa loob ng Manila City Jail (MCJ), Sabado ng hapon.
Kinumpirma ni MCJ Spokesman JO2 Elmar Jacobe na pasado ala-1:00 ng hapon nang sumiklab ang riot sa pagitan ng Bahala na Gang at Sigue-sigue Commando Gang.
Anim ang miyembro ng Sigue-sigue Commando habang dalawa sa Bahala Na Gang na ang tatlo ay ginamot sa loob ng klinika ng MCJ habang ang lima ay sa ospital sa labas.
Dahil dito, agad na sinuspinde ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang dalaw sa mga inmates.
Dahil dito, pinag-aaralan na ng Manila City Jail na ikasa ang Oplan Greyhound sa male dormitory, kung saan, isa-isang iniinspeksyon ang mga gamit at selda ng mga inmate.
Idinagdag naman ni JO2 Jacobe, na karamihan sa mga nasaktan sa anim na miyembro ng Commando ay tinamaan ng bato sa ulo at kamay kaya isinugod sa ospital.
Paliwanag ni Jacobe, hindi riot ang nangyari, at maaaring nag-ugat ang gulo sa hindi pagkakaunawaan sa larong basketball kaugnay ng idinaraos na sportsfest, lalo na ang mainit na panahon na posibleng nagpainit ng ulo na nauwi sa pikunan.