MANILA, Philippines — Inaresto nang magkasanib na tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang lalaking gumagawa ng pekeng driver’s license sa isang operasyon sa Maynila, kamakalawa.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang suspek na si Jeric Baluyot ay naaresto sa loob ng kanyang bahay sa Adelina St., Brgy. 467, Zone 46, sa Maynila nang mga pulis at LTO personnel.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo tungkol sa paglaganap ng mga pekeng driver’s license na ginagawa umano ng isang Ric.
Nakumpiska kay Baluyot ang pekeng driver’s license at pekeng LTO’s Official Receipt para sa motor vehicle registration, smartphone at iba pang kagamitan na ginagamit sa kanyang iligal na aktibidad.
Inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act 4136, o Land Transportation and Traffic Code laban sa suspek.