Navy chopper bumagsak, 2 piloto todas  

Ang bumagsak na training chopper na R22 Robinson ng Phil. Navy sa kahabaan ng Draga Reclamation Area, Cavite City na kung saan nasawi ang piloto at co-pilot nitong babae, kahapon ng umaga.

MANILA, Philippines — Kapwa patay ang dalawang piloto na isa ay babae matapos bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter sa Draga Reclamation Area sa Barangay 57, Cavite City, kahapon ng umaga.

Namatay noon din si Lt. John Kyle Borres, 36, habang namatay sa pagamutan ang co-pilot nito na si Ensign Izzah Leonah Taccad, 27, may-asawa, kapwa miyembro ng Philip­pine Navy at nakadestino sa Naval Airwing Sangley Point sa Cavite City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente, alas-6:30 ng umaga ay nagsasagawa ang mga ito ng training flight nang magkaroon ng problema ang helicopter.

Kaya mag-emergency landing sana ang mga ito sa bisinidad ng Cavite City Public Market suba­lit hindi na nakayanan kung kaya tuluyan itong bumulusok at bumagsak sa nasabing lugar.

Nagsasagawa na ng masusing imbestigasyon ang Philippine Navy upang mabatid ang sanhi ng aksidente. - Ed Amoroso at Arnell Ozaeta

Show comments