MANILA, Philippines — Igigiit ng isang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ilabas na ang desisyon nito sa petisyon na pataasin ang minimum fare sa mga traditional jeepneys sa P15. Ang kasalukuyang minimum fare sa mga traditional jeepney ay P13.
Ayon sa Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ito ay dahil sa mga nakalipas na big-time oil price hike sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ni ALTODAP president Boy Vargas na sinabihan na sila ng LTFRB na ‘subject for resolution’ na ang petisyon ngunit wala pa ring inilalabas na desisyon ang ahensya.
Nangako naman si LTFRB spokesperson Celine Pialago na tutugon ito sa mga petisyon at ipinuntong ang lahat ng mga ito ay dumadaan sa masusing pag-aaral.
“Lahat po ng fare hike, lagi pong pinapaalala ng LTFRB, na pinag-aaralan ito at sinusuri ng board. Makakaasa sila na makakatugon po dito ang LTFRB pero dadaan po ito ng napakamasusing pag-aaral at approval,” sinabi ni Pialago.
Una ng sinabi ng LTFRB na nag-aantay pa ito ng tugon mula sa DOTr kaugnay sa P1.6 billion na pondo para sa ipapamahaging subsidiya para sa sektor ng pampublikong transportasyon sa gitna ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.
Kamakailan ay nagtaas ang mga kompanya ng langis ng P1.10/liter sa presyo ng gasolina, P1.55/liter sa diesel, at P1.40/liter sa kerosene.