Ex-bf inaresto sa ‘sextortion’ sa guro
MANILA, Philippines — Isang lalaki ang inaresto sa bus terminal sa Quezon City matapos ireklamo ng pananakot at pangingikil sa dating nobya na isang guro sa Camarines Sur.
Ayon kay PCpt. Angelo Babagay, team leader ng Camarines Norte Regional Anti-Cybercrime Unit, napilitang lumuwas sa Metro Manila ang biktima, 25-anyos upang ipakulong ang kanyang dating kasintahan na nanakot na ikakalat ang kanyang maseselang larawan at video kung hindi magbibigay ng pera.
Nasakote ng mga otoridad ang 29-anyos na suspek sa isang bus station sa Quezon City kung saan napagkasunduan na susunduin ang biktima.
Sinabi ni Babagay, na Mahal na Araw pa nila inaabangan ang suspek, subalit hindi ito umuwi kaya hiniling nito sa biktima na magkita sila sa Maynila at maibigay ang pera.
Nagtatrabaho sa Maynila ang suspek at nagkasundo sila ng biktima na mag-uusap at magsasama uli sa Maynila.
Ngunit pagdating sa bus station sa QC, agad na dinamba ng mga pulis ang suspek.
Patung-patong na reklamo ang kinakaharap ng suspek kabilang ang paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2022, Cybercrime Prevention Act of 2012, Grave Coercion, at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.
Nagpaalala ang pulisya sa mga may karelasyon na iwasan na magpakuha ng video o larawan upang hindi malagay sa mga sitwasyong tulad nito.
- Latest