DOH: Kaso ng pertussis, lampas 1K na
54 na ang namamatay…
MANILA, Philippines — Lalo pang tumaas ang mga kaso ng pertussis sa bansa, gayundin ang bilang ng mga pasyente nitong sinawimpalad na bawian ng buhay.
Ito ang iniulat kahapon ng Department of Health (DOH) na batay sa datos na mula Enero 1 hanggang Marso 30, umaabot na sa 1,112 ng mga kaso ng Pertussis na kanilang naitala.
Ito ay halos 34 na ulit umanong mas marami kumpara sa 32 kaso lamang na naitala noong nakaraang taon. Sa naturang kabuuang bilang, 54 pasyente naman ang binawian ng buhay.
Dagdag pa nito, sa total Pertussis cases na naitala, 77% ang wala pang limang taong gulang ang edad habang ang mga adults na nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas ay nasa 4% lamang.
Sa nakalipas na anim na linggo, nakitaan rin umano nila nang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis ang mga rehiyon ng Eastern Visayas, Cagayan Valley, CARAGA, Central Luzon, at Cordillera Autonomous Region.
Tiniyak naman ng DOH na patuloy silang magsasagawa ng mga pamamaraan upang mapigilan ang patuloy na pagtaas ng mga kaso ng pertussis, na kilala rin sa mga tawag na whooping cough, ubong dalahit at tusperina.
Kabilang na anila rito ang pagpapaigting pa ng kanilang pagbabakuna laban sa sakit.
- Latest