MANILA, Philippines — Sari-saring armas at bulto ng mga pinaghihinalaang miyembro ng Bangsa Islamic Freedom Fighters (BIFF) terrorists ang nasamsam ng tropa ng pamahalaan kaugnay ng pinaigting na kampanya kontra terorismo sa isinagawang operasyon sa Maguindanao del Norte, ayon sa ulat ng militar nitong Martes.
Sinabi ni Major Andrew Linao, Acting Chief ng Public Affairs Office ng AFP-Westmincom, nagsagawa ng puspusang military operations ang mga element ng 2nd Mechanized Battalion ng Phil. Army sa Brgy.Labungan, Dau Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte kamakalawa na nagresulta sa pagkakarekober ng mga armas at bulto ng mga bala ng mga kalaban.
Kabilang sa mga narekober ay bulto ng mga bala ng sari-saring mga kalibre ng mga armas gayundin ang isang M14 rifle, dalawang M16A1 rifles, isang garand rifle, dalawang 12 gauge shotguns at isang cal. 45 Thompson.
Isinailalim na sa safekeeping ng security forces ang narekober na mga armas at mga bala ng BIFF terrorists para sa kaukulang disposisyon.
Sinabi naman ni Lt. Gen. William Gonzales, Commander ng AFP-Western Command, magpapatuloy ang kanilang pinalakas na operasyon upang malipol ang nalalabi pang mga terorista na banta sa seguridad at kapayapaan sa Central Mindanao.