2 bata nalunod sa Quezon

Sa bayan ng Mulanay, Quezon, noong Sabado de Gloria, alas-12:00 ng tanghali, naglalangoy ang biktima na si alias “Sophia” kasama ng sampu niyang kaanak nang matagpuan itong walang malay sa tabing dagat.
Philstar.com/File

MANILA, Philippines — Iniulat ng Quezon Police Provincial Office (QPPO) ang insidente ng pagkalunod ng dalawang bata sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Que­zon, nitong nakalipas na Semana Santa.

Sa bayan ng Mulanay, Quezon, noong Sabado de Gloria, alas-12:00 ng tanghali, naglalangoy ang biktima na si alias “Sophia” kasama ng sampu niyang kaanak nang matagpuan itong walang malay sa tabing dagat.

Kaagad na isinugod sa Rural Health Unit of Mulanay ang biktima at mabilis ding inilipat sa BONPEN District Hospital sa Catanauan Quezon subalit idineklara na siyang patay ala-1:45 ng hapon.

Sa Mauban, Quezon, napaulat kahapon ng ala-1:00 ng madaling araw, na may isang batang lalaki na nakilala na si alias “Richmark”, 3-anyos, at residente ng Sitio Malazor, Brgy.San Lorenzo, Mauban, Quezon ang natagpuang palutang-lutang sa ilog.

Nabatid na bandang alas-9:00 ng gabi noong Sabado, nakita ni Jhemarie, ina ni Richmark, na umalis ng bahay ang kanyang anak sa pag-aakala na kasama ang bata ng kanyang ama sakay ng tricycle.

Nang malaman mula sa asawa na hindi nito kasama ang anak na lalaki ay kaagad nila itong hinanap.

Natagpuan ang katawan ng bata na palutang lutang sa ilog at idineklarang dead-on-arrival sa Mauban District Hospital.

Show comments