MANILA, Philippines — Nagbunyi si Pamplona Mayor Janice Degamo, ang biyuda ng pinaslang na si dating Negros Oriental Governor Roel Degamo sa pagkakaaresto ng mga otoridad sa Timor Leste sa pinatalsik na si dating Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Si Teves, dating Kong resista ng 3rd District Negros Oriental ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Gov. Degamo ay nagtago sa Timor Leste matapos namang ihayag ng Department of Justice (DOJ) ang patung-patong na kasong kriminal laban dito kabilang ang murder, frustrated murder at attempted murder.
Bukod dito ay idineklara pa ni DOJ Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na isang pugante habang idineklara rin ng Anti-Terrorism Council na isang terorista ang pinatalsik na mambabatas noong Agosto 2023.
Sa kaniyang Facebook account, sinabi ni Mayor Degamo na tinugon ng Diyos ang kaniyang panalangin matapos na sa wakas ay masakote na si Teves.
“Matagal-tagal kaming nagdasal at naghintay na talagang this day would come and praise God po, na talagang na-huli na talaga siya. Wala kaming mapaglagyan ng aming tuwa,” ayon sa biyuda ni Degamo.
Noong una pa man ay naniniwala si Degamo na pulitika ang motibo ng krimen at si Teves ang mastermind sa pagpatay sa kaniyang asawa. Samantalang idinagdag pa ni Degamo na nais nilang makitang nakakulong si Teves at pagdusahan ang krimen nito.
Base sa impormasyon ng DOJ, si Teves ay nasakote noong Huwebes ng hapon habang naglalaro ng golf sa Timor Leste. Ang mga alegasyon laban kay Teves ay paulit-ulit naman nitong itinanggi.
Magugunita na si Gov. Degamo ay pinagbabaril noong Marso 4 ng nakalipas na taon ng mga armadong kalalakihan sa compound ng kaniyang tahanan habang namamahagi ng ayuda na kanyang ikinasawi at tatlong iba habang nasa 17 pa ang nasugatan.
Magugunita rin na si Teves ay pinatalsik noong Agosto ng nakalipas na taon bilang miyembro ng Kamara de Representantes dahilan sa disorderly conduct at patuloy na pagliban sa trabaho matapos namang mag-expire na ang travel authority nito. Mer Layson