Parak, inaresto sa presinto sa pangongotong

Si Police Cpl. Ahmad Ambil, nakatalaga sa Bacao Police Community Precint ng General Trias Police Station ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng IMEG Counter Intelligence Division, at Special Action Force (SAF) team sa loob mismo ng Bacao Police Community Precinct dakong alas-8:22 ng gabi nitong Lunes.
STAR / File

MANILA, Philippines — Sa loob ng presinto ay inaresto ang isang pulis matapos na ireklamo ng pangongotong sa isang rider na nasangkot sa traffic incident sa isinagawang entrapment operation ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa loob ng pre­sinto Lunes ng gabi sa Gene­ral Trias City, Cavite.

Si Police Cpl. Ahmad Ambil, nakatalaga sa Bacao Police Community Precint ng General Trias Police Station ay inaresto ng pinagsanib na puwersa ng IMEG Counter Intelligence Division, at Special Action Force (SAF) team sa loob mismo ng Bacao Police Community Precinct dakong alas-8:22 ng gabi nitong Lunes.

Habang hawak ang P8,000 entrapment money mula sa biktima kinalawit na ito ng kanyang mga kabaro.

Sa report na tinanggap ni  PNP IMEG Director  PBGen. Warren de Leon, nag-ugat ang reklamo matapos masangkot sa isang traffic incident, alas-3:00 ng hapon nitong Marso 15, ang biktima lulan ng kanyang Mitsukoshi Café Racer 150 motorsiklo.

Agad namang nakares­ponde si Ambil, subalit sa halip na mag-imbestiga ay nagsilbi  itong middleman sa dalawang sangkot sa insidente upang magkaayos.

Humingi si Ambil ng P30,000 sa biktima para umano maayos ang kanyang kaso, subalit nasa P11,000 lamang ang laman ng kanyang GCash.

Agad namang ipinadala ng biktima sa GCash number ni Ambil na 09772402568 ang naturang halaga.

Subalit nitong Lunes, Marso 18, personal pa na nagtungo si Ambil sa bahay ng biktima at humihingi pa ng P8,000 at nagbanta pa na itutuloy nito ang isasampang kaso laban sa kanya kapag hindi ito nagbayad.

Dito na humingi ng tulong sa IMEG ang biktima na agad namang nagkasa ng entrapment operation upang maaresto ang suspek na pulis sa loob mismo ng istasyon ng pulisya. Nahaharap sa kasong robbery extortion ang pulis bukod pa sa kasong administratibo.

Show comments