MANILA, Philippines — Mahigit sa 20,000 examinees ang nakatakdang kumuhang muli ng admission test sa West Visayas State University (WVSU) matapos umanong makumpirma ng mga opisyal ng naturang unibersidad ang ulat na may mga katanungan sa admission test, na nag-leaked sa ilang examinees.
Sa isang abiso noong Marso 15, inanunsiyo ng WVSU administration na nagkasundo silang ipawalang-saysay ang admission test na isinagawa noong Marso 10 lamang matapos na lumitaw sa imbestigasyon na nagkaroon ng leak ng examination items, na kinasasangkutan ng mga hindi pa natukoy na indibidwal.
Nabatid na aabot sa kabuuang 20,925 aplikante ang maaapektuhan ng naturang desisyon.
Nakatakda namang ianunsiyo ng pamunuan ng WVSU sa mga susunod na araw ang petsa kung kailan isasagawa ang retake ng admission exams, sa iba’t ibang testing centers.