Mamemeke ng pasaporte kulong ng 15 taon, P1-2 milyon multa sa magkukumpiska

New Philippine Passport Act, batas na

MANILA, Philippines — Nilagdaan na rin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang New Phi­lippine Passport Act.

Sa ilalim ng nasabing batas, may mandato ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magtatag at panatilihin ang online application portal at electronic One Stop Shop na accessible sa kanilang official website.

Inaatasan din ng bagong batas ang DFA na maglagay ng offsite at mobile passport services sa mga labas ng consular offices at foreign service posts (FSPs).

Nakapaloob din sa New Philippine Passport Act na ayusin ng DFA ang accommodation para sa regular passports ng senior citizens, PWDs, buntis, mga menor-de-edad na pitong taon pababa, solo parents, OFWs at indibiduwal na may emergency at exceptional cases.

Babawiin naman ng nasabing batas ang Passport Act of 1996.

Paparusahan naman ang sinuman na walang legal authority na magkumpiska, magpanatili o magpigil ng pasaporte na inisyu ng DFA, ng hindi bababa sa 12 taong pagkakabilanggo at multa na hindi bababa sa P1 milyon o hindi tataas sa P2 milyon.

Mahaharap naman ang sinuman na hindi gagamit ng tama sa pasaporte at iba pang travel document o magpepeke nito, sa 15 taong pagkakabilanggo o hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit sa P250,000 na multa.

Show comments