MANILA, Philippines — Tuloy pa rin ang operasyon ng emergency room (ER) ng Philippine General Hospital (PGH) ngunit limitado lamang ang mga pasyenteng tinatanggap nito sa ngayon.
Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, nakataas ngayon ang ‘Code Triage,’ sa ER ng PGH na nangangahulugan na tanging mga taong may life-threatening conditions lamang ang maaari nilang tanggapin doon.
Paliwanag ni Del Rosario, may mga pasyente rin kasi sila na kinailangang ilipat sa ER dahil sa naganap na sunog sa pagamutan kamakalawa ng hapon.
Matatandaang, alas-3:00 ng hapon nang sumiklab ang apoy sa loob ng PGH na umabot sa ikalawang alarma bago naideklarang under control, alas-3:45 ng hapon.
Kabilang umano sa naapektuhan ng apoy ay ang Wards 1, 2, 3, at 4, gayundin ang audio-visual room ng Department of Medicine.
Wala namang pasyente o tauhan ng pagamutan ang nasaktan o nasawi sa sunog at wala rin umanong major hospital equipment ang napinsala ng apoy.