Para mahanap ang bangkay ni Bae Bibyaon Bigkay…
MANILA, Philippines — Nagpapasaklolo sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang Tribu ng Ata Manobo, mula sa Talaingod, Davao del Norte, upang mahanap ang labi ng kanilang nakakatandang lider na si Bae Bibyaon Bigkay na ginamit lamang ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA -NDF) sa kanilang mga agenda.
Ito ang isiniwalat kahapon ni Datu Bawan Jake Lanes, Executive Director NH Mindanao IP Council of Elders, at ng iba pa niyang ka-tribu sa virtual press conference ng Integrated Communications Operations Center (ICOC), the media bureau of the National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sinabi ni Lanes, hanggang sa ngayon ay di pa nila mahanap ang labi ni Bibyaon, na pinaniniwalaan nilang nailibing na sa Antipolo City, Rizal ng mga humawak sa kanyang mga CPP,-NPA-NDF members matapos mabalitaan ang pagkamatay nito sa isang Facebook post.
Bukod sa dalawang ahensiya ay dudulog din sila sa Department of Justice (DOJ) at Commission on Human Rights (CHR) upang imbestigahan ang pangyayari sa paglilibing ng bangkay ng kanilang nakatatandang lider.
Si Datu Benito Bigkay, pamangkin ni Bibyaon ay nagsabi naman na kaya sila narito sa Manila ay para matukoy ang pinaglibingan ng kanilang katribu.