Paslit nilapa ng 4 na aso, tenga natapyas
MANILA, Philippines — Isang 2-anyos na batang babae ang natapyasan ng tenga at nagtamo ng mga sugat sa mukha at katawan nang lapain ng apat na aso sa Calbiga, Samar nitong Sabado.
Kasalukuyang naka-confine sa Eastern Visayas Medical Center ang biktimang si Shiela Mae Cinco ng Brgy. Scales, Calbiga, Samar.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sinundan ng biktima ang ina na nagtungo lamang sa tindahan upang bumili.
Napunta naman ang bata sa isang kulungan ng baboy na binabantayan ng apat na aso na hindi nakatali sa Brgy. Timbangan na pag-aari ng isang Ronnie Dacuro.
Kasunod nito, inatake ng apat na aso ang nasabing bata na nagresulta sa pagkakatapyas ng kaliwang tenga, sugat sa mukha, dibdib at maging sa puwet.
Mabilis namang tinali ng may-ari ng piggery ang mga alagang aso at nangakong magbibigay ng tulong sa pamilya ng bata.
Umaapela rin ng tulong sa publiko ang magulang ni Shiela Mae dahil sa matagalang pagpapagamot.
Pinag-aaralan naman ng pulisya ang kasong isasampa sa may-ari ng mga asong nanlapa.
- Latest