Pamilya ng mga namatay at nasugatang sundalo sa Lanao del Norte binigyan ng tulong pinansiyal

MANILA, Philippines — Nagpaabot ng tulong pinansyal si House Spea­ker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pamilya ng anim na sundalong nasawi at sa anim na nasugatan sa pakikipagsagupaan sa teroristang grupong Dawlah Islamiyah-Maute sa Lanao del Norte noong Pebrero 18.

Ito ang iniulat kahapon ni Deputy Majority Lea­der for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na nagsabing mahigit P4.14 milyong financial, education at livelihood assistance, mula sa personal cala­mity at emergency funds ng Speaker, ang naibigay sa mga pamilya ng 12 sundalo mula noong nakaraang linggo ng Pebrero hanggang ngayon.

Bukod dito, sinabi ni Tulfo na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD),Department of Labor and Employment (DOLE) at Commission on Higher Education (CHED) ay magbibigay din ng livelihood at educational assistance sa mga biktima at kanilang mga dependents, gaya ng itinagubilin ni Pangulong Marcos.

Nauna rito, ibinunyag ni Speaker Romualdez na inatasan siya ni Pangulong Marcos Jr. na magbigay ng tulong pinansyal sa mga pamilya ng mga namatay na nagkakahalaga ng mula P400,000 hanggang P430,000: P300,000 na cash aid, P30,000 na schooling aid para sa bawat bata at P100,000 na livelihood assistance.

Habang ang mga nasugatang sundalo ay binigyan ng P150,000 cash aid, P30,000 na schooling aid para sa bawat bata, at P100,000 na livelihood assistance.

“Inutusan tayo ng Pa­ngulong Ferdinand Marcos, Jr. na ipaabot sa ating mga opisyal ng AFP na naririto ngayon sa Sultan Kudarat ang dagdag na benepisyong inilaan natin para sa mga sundalo at kanilang pamilya na naapektuhan ng labanang naganap kontra sa grupong Dawlah Islamiyah-Maute,” ani Romualdez.

Show comments