MANILA, Philippines — Kasunod nang ulat na may dalawang Chinese research vessels ang namataan na umaaligid sa Benham Rise ay nag-deploy kahapon ang Philippine Coast Guard (PCG) ng isang barko.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, idineploy nila ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) para sa isang two-week mission sa Batanes at Benham Rise, simula kahapon.
Sinabi naman ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, na ang naturang barko ay magpapatrulya sa bisinidad ng naturang katubigan upang magsagawa ng maritime domain awareness, paigtingin ang presensiya ng coast guard sa Northern Luzon, at imonitor ang mga lokal na mangingisda.
Samantala,nabatid na maging ang air assets ng Coast Guard Aviation Force ay nakaantabay na rin para sa posibleng augmentation, partikular na sa pagsasagawa ng aerial surveillance.
Nabatid na ang Benham Rise, na matatagpuam sa east coast ng Pilipinas ay idineklara ng United Nations noong 2012 bilang bahagi ng continental shelf ng bansa.