MANILA, Philippines — Mistulang nagpalaro si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy sa mga naghahanap sa kanyang kinaroroonan at nag-alok ng P1,000 reward kung sinuman ang makakahanap sa kanya para makadalo sa pagdinig ng kongreso.
Ang alok ni Quiboloy ay ginawa matapos ilabas ang subpoena para siya ay dumalo sa pagdinig ng Senado at Kamara kaugnay sa mga reklamong iniharap sa kanya ng dating mga miyembro.
Nagbigay ng tip si Quiboloy para sa mga gustong humula: “Ako’y nakakubli, hindi kalayuan dito. Kuta ko’y puro bato, laksa-laksang pula at itim na langgam, handang ipagtanggol ako sa mga manlulupig na mga tao. Kano man o kalahi ko. Upang aking maitayo ang prinsipyong diwa, karangalan, kalayaan ng isang marangal na Pilipino na naisilang sa paanan ng matayog sa lahat ng bundok Apo, sulong bayan ko, ipaglaban karapatan sa manlulupig di ka pasisiil ang mamatay ng dahil sa ‘yo.”
Nauna na rin sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring maharap sa mas malaking problema si Quiboloy kapag tumanggi siyang dumalo sa pagdinig ng kongreso.
Habang nagbabala na rin ang kaibigan nito na si dating pangulong Rodrigo Duterte na posibleng arestuhin kapag hindi dumalo sa mga pagdinig.