Lola napagkamalang mangkukulam tinaga sa ulo

Ang biktima na inoob­serbahan ang kalagayan sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil sa matinding tama ng taga sa ulo ay kinilalang si Gloria Mahilac, 65, biyuda, at residente ng Rawatun St., Carlos Palanca, San Miguel.
Pixabay

MANILA, Philippines — Isang 65-anyos na lola ang malubhang nasugatan  matapos tagain sa ulo ng isang tricycle driver nang mapagkamalan na siya ay isang mangkukulam, naganap kamakalawa sa San Miguel, Maynila.

Ang biktima na inoob­serbahan ang kalagayan sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center dahil sa matinding tama ng taga sa ulo ay kinilalang si Gloria Mahilac, 65, biyuda, at residente ng Rawatun St., Carlos Palanca, San Miguel.

Agad naman naaresto ang suspek na si Jabbar Mocaebat, 29, tricycle driver at residente ng Pimbago St., San Miguel.

Batay sa ulat ng Barbosa Police Station 14 (PS-14), bago naganap ang insidente, alas-8:10 ng uma­ga sa Pimbago St., kanto ng Rawatun St., sa Carlos Palanca ay makikita ang suspek na sinusundan ang biktima habang naglalakad sa eskinita sa Rawatun St. patungo sana sa bahay ng kanyang anak na si Joan, 34.

Walang kaabug-abog na tinaga nito sa ulo ang biktima at pagkatapos ay mabilis na tumakas ang suspek.

Kahit sugatan, nagawa ng biktima na makahingi ng tulong sa kanyang anak, na siyang nagsugod sa kanya sa ospital.

Kaagad ding nagtungo si Joan sa Barangay 648, na nakakasakop sa lugar, at isinumbong ang pangyayari.

Mabilis namang umaksiyon ang mga barangay officials at ina­resto ang suspek, na nakapiit na at mahaharap sa kasong frustrated murder sa piskalya.

Sa interogasyon ng pulisya ay inamin ng suspek na kaya niya tinaga ang biktima ay dahil isa itong mangkukulam umano sa kanilang lugar. Nakatakdang kasuhan ang suspek ng frustrated murder.

Show comments