MANILA, Philippines — Ipapatupad na ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang pagbawal sa paggamit ng mga e-vehicles sa mga national road.
Ito ang inanunsyo kahapon ni MMDA chairman Romando Artes matapos na ipasa ang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC).
“Ngayon pong umagang ito ay nagpasa ang MMC ng resolusyon regarding regulation ng e-trikes at other electric vehicles na pinagbabawal na po natin sa major roads na nasa jurisdiction ng MMDA,” ani Artes na nanguna sa pulong na idinaos sa MMDA Building, sa Pasig City.
Papatawan ng P2,500 na multa ang lalabag sa nasabing regulasyon.
Oobligahin na rin ang paggamit ng e-vehicles na magkaroon ng driver’s license, at kung walang maipakitang lisensya ang nagmaneho ng e-vehicles ay i-impound agad ito.
Inaasahan namang sa Abril pa maipatutupad ito dahil kailangan pang dumaan sa proseso at awareness campaign tulad ng publication, na kailangang may 15 araw matapos ito bago ipatupad.
May karagdagan pang mga daanan na tutukuyin ang mga lokal na pamahalaan kung saan ipagbabawal ang mga e-vehicle, bukod sa inisyal na listahan ng mga kalyeng apektado.
Kabilang sa mga kalyeng inisyal na nabanggit ang Recto Avenue; President Quirino Avenue; Araneta Avenue; Epifanio Delos Santos Avenue; Katipunan/CP Garcia; Southeast Metro Manila Expressway; Roxas Boulevard; Taft Avenue; SLEX; Shaw Boulevard; Ortigas Avenue; Magsaysay Blvd./Aurora Blvd.; Quezon Avenue/Commonwealth Ave.; A.Bonifacio Ave; Rizal Ave; Del Pan/Marcos Highway/Mc-Arthur Highway; Elliptical Road; Mindanao Avenue; at Marcos Highway.