MANILA, Philippines — Tiniyak ng Navotas City Police ang patuloy na pagbibigay ng seguridad sa pamilya ng napaslang na binatang si Jemboy Baltazar.
Ito’y matapos ang inilabas na hatol ng hukom sa anim na pulis na sangkot sa pamamaril sa binata dahil sa ‘mistaken identity’.
Ayon kay Navotas City Police Station Chief PCol Mario Cortes, batid nito ang pangamba sa seguridad ng pamilya ni Jemboy.
Kaya naman, inatasan na rin nito ang Substation 4 personnel sa pangunguna ni PCpt. Ivan Rinquejo na tutukan ang kanilang kaligtasan at mabigyan sila ng kaukulang seguridad sa anumang oras ng kanilang pangangailangan.
Dagdag pa nito, handang magbantay ang pulis sa kanilang kaligtasan 24/7.
Kasunod nito, sinabi naman ng Navotas City Police na ito ay nakikiisa sa nakamit na hustisya ng pamilya na iginawad ng hukuman.
Una nang tiniyak ng DOJ na iaapela pa nito ang desisyon ng korte laban sa mga pulis sa kaso ni Jemboy Baltazar.