MANILA, Philippines — Nasa red notice list ng International Criminal Police Organization (Interpol) si dating Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na siyang itinuturong utak sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang kahilingan sa tagapagpatupad ng batas sa buong mundo na hanapin at arestuhin ang isang tao habang nakabinbin ang extradition, pagsuko, o katulad na legal na aksyon.
Nilinaw ng Interpol na ang red notice ay hindi international arrest warrant.
Base sa red notice na ang bansang malamang na binisita ni Teves ay Cambodia.
Una na rin namang napaulat na nagpapalipat-lipat siya sa Timor-Leste, Cambodia at Thailand.
Tinangka rin umano nitong humingi ng political asylum sa Timor-Leste ngunit hindi ito pinagbigyan.
Matatandaang noong Pebrero 19, si Teves ay isinama na ng Interpol sa kanilang blue notice.
Sa ilalim ng blue notice, nire-require ang member countries na mangalap ng karagdagang impormasyon hinggil sa identidad, lokasyon, o aktibidad ng isang tao, na may kinalaman sa isang criminal investigation.