MANILA, Philippines — Pinagtibay ng Kataas-taasang Hukuman sa desisyong inilabas ni Associate Justice Mario Lopez ang mga naunang hatol ng mababang hukuman at Court of Appeals na habambuhay na pagkakabilanggo at P2 milyon multa ang parusang iginawad sa isang babae na sangkot sa child pornography kung saan ang biktima ay sarili niyang pamangkin noong 2016.
Bukod sa P2 milyong multa, inatasan din ng mataas na hukuman si Luisa Pineda na magbayad ng P300,000 sa biktima bilang civil damages.
Nag-ugat ang kaso sa tip ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Amerika na humantong sa pagsalakay ng Philippine National Police (PNP) sa bahay ng akusado na si Pineda noong 2016 dahil sa child pornography.
Dito nakuha ang computer set at cellphone na nagtataglay ng mga hubo’t hubad na larawan at video ng anim na taong gulang na pamangkin na babae ng akusado.
Nailahad rin ng biktima ang dalawang pagkakataon kung saan inutusan siya ng tiyahin na hawakan ang maselang bahagi ng kanyang katawan habang nakaharap sa computer screen.
Nasagip din naman ang tatlo pang menorde-edad na pawang itinurn-over sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Hinatulan si Pineda ng paglabag sa kaukulang probisyon ng Anti Child Pornography Act of 2009 gayundin sa Cybercrime Prevention Act of 2012.