MANILA, Philippines — Tukoy na ng pulisya ang dalawang suspek na nakasuot ng PNP athletic uniform na nangholdap sa Agencia Brillantes Jewelry Pawnshopsa Osmeña Street Barangay Zone 1, Koronadal City, kamakailan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na hindi pulis ang mga suspek na nagsuot lamang ng uniporme ng pulis.
Dahil dito inutos ni Acorda ang inspeksiyon sa mga tindahan ng police uniforms kung saan ginamit ng mga suspek ang uniporme upang malayang mapasok ang sanglaan.
Kaugnay nito, magbibigay ng kalahating milyong piso ang City Government ng Koronadal sa makapagtuturo o makapagbigay ng impormasyon sa ikadadakip ng mga suspek sa nangyaring krimen.
Sa kuha ng CCTV, dalawang lalaking nakasuot ng athletic uniform ng pulis ang pumasok kung saan agad na pinadapa ang mga guwardiya at pumasok ang apat na mga kasamahan sabay sira sa maliit na pintuan papasok sa mga lalagyan ng alahas at ilang minuto matapos isagawa ang krimen ay mabilis na tumakas ang mga suspek.