Pangulong Marcos bibisita sa Australia

President Ferdinand Marcos Jr. leads the awarding ceremony for outstanding government service workers on February 14, 2024.
STAR / KJ Rosales

MANILA, Philippines — Nakatakdang magtungo sa Australia si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa susunod na linggo para dumalo sa pagpupulong at magsalita sa mga mi­yembro ng parliament.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), si Pangulong Marcos ay magiging bisita ng Australian government sa kanyang pagtungo sa kanilang bansa sa Pebrero 28 hanggang 29.

Sinabi ng PCO na pag-uusapan sa nasabing pagpupulong ang vision para sa Strategic Partnership sa pagitan ng Pilipinas at Australia.

Sa nasabing partnership, mapagtitibay ang bilateral relations mula sa comprehensive partnership noong 2015, na nilagdaan lang noong Setyembre 2023 sa pagbisita ni Australian Prime Minister Anthony Albanese sa bansa.

Makikipagpulong din ang Pangulo sa Australian senior officials para talakayin ang defense at security, trade, investments, multilateral cooperation, regional issues at people-to people exchanges.

Sa nasabing pagbisita, lalagdaan ang ilang bagong kasunduan para sa parehong interes ng magkabilang panig, dagdag ng PCO.

Ngayong Nobyembre ay gugunitain ng Pilipinas at Australia ang ika-78 anibersaryo ng kanilang diplomatic relations.

Nasa 408,000 na Filipino ang nasa Australia noong 2022 at nasa ikalimang puwesto na may pinakamalaking migrant community sa nasabing bansa.

Ang Australia rin ang isa sa dalawang bansa ang may Status of Visi­ting Forces Agreement (SOVFA) sa Pilipinas.

Show comments