Petro Gazz iniligpit ang SGA
MANILA, Philippines — Mabilis na dinispatsa ng Petro Gazz ang baguhang Strong Group Athletics via straight sets, 25-12, 25-20, 25-12, sa pagsisimula ng 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Nicole Tiamzon ng 15 points mula sa 13 attacks at 2 aces para sa 1-0 baraha ng Gazz Angels habang may 8 at 7 markers sina Marian Buitre at Fil-Am Brooke Van Sickle, ayon sa pagkakasunod.
“We’re trying to find our chemistry also, it’s our first game so maraming lapses pa, maraming errors and tomorrow, we’re going back to training and we’ll fix everything,” wika ni Tiamzon.
Pinamunuan ni Dolly Versoza ang Athletics sa kanyang 6 points kasunod ang 4 markers ni Jan Angeline Cane.
Madaling kinana ng Petro Gazz ni Japanese coach Koji Tsuzurabara ang first set, 25-12, habang lumaban nang sabayan ang SGA ni mentor Onyok Getigan sa second frame ngunit sumuko sa huli, 20-25.
Sa third set ay inilista ng Gazz Angels, ang two-time Reinforced Conference champions, ang 10-3 abante patungo sa 21-11 pagtambak sa Athletics, pumalit sa Quezon City Gerflor Defenders.
Ang hataw ni Myla Pablo ang sumelyo sa panalo ng Petro Gazz.
Tumapos si Pablo na may 5 points.
Samantala, pinaluhod ng Chery Tiggo ang bagitong Capital1 Solar Energy, 25-6, 25-15, 25-15.
Tumipa ang bagong hugot na si Ara Galang ng 12 points mula sa 9 attacks, 2 aces at 1 block para sa 1-0 marka ng Crossovers na kinuha ang 20-10 bentahe sa third set matapos makalapit ang Solar Spikers sa 10-16.
Ang atake ni Aby Maraño sa gitna ang nagbigay sa Chery Tiggo ng match point, 24-13, kasunod ang dalawang puntos ng Capital1 para sa 15-24 agwat.
Ang napalakas na service ni Shyra Mae Umandal sa posesyon ng Solar Spikers ang sumelyo sa panalo ng Crossovers.
- Latest