MANILA, Philippines — Posibleng magsampa ng kaso ang Pilipinas laban sa China at Vietnam sa gitna ng alegasyon ng cyanide fishing sa Bajo de Masinloc.
Ito ang sinabi ni National Task Force West Philippine Sea (NTF WPS) spokesperson Jonathan Malaya na sisimulan na ng pamahalaan na imbestigahan ang ulat ng paggamit ng cyanide.
Ang resulta ng imbestigasyon ay ipadadala sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) para sa posibleng paghahain ng kaso sa korte.
Sa ulat, ibinunyag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ginamitan ng cyanide ng Chinese fishermen ang Bajo de Masinloc upang maitaboy sa lugar ang mga mangingisdang Pinoy.
Maging ang Vietnamese fishermen ay gumagamit din ng cyanide sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.
“At sinasabi, according to Filipino fishermen, ‘yung mga Chinese fishermen, if I am not mistaken, ay gumagamit ng cyanide as well ang mga Vietnamese fishers,” ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera.
Para naman kay Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na ang alegasyon na gumagamit ng cyanide ang mga mangingisdang Intsik ay malinaw na kathang-isip lamang.
Sinabi naman ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning na “Chinese government attaches great importance to the protection of eco-environment and conservation of fishing resource and resolutely fights against fishing activities that violate laws and regulations.”